-----------------------------------------------------------------------------------------------
Tulungan ang Pamilyang Maka-ahon sa Krisis Pinansyal ng Mundo
By: Ma. Cristina H. Enriquez, M.A.
Psychologist
PsychConsult, Inc.
Madalas nating marinig na ang mga Pilipino ay isa sa mga pinakamasayang tao sa mundo. Sa kabila ng kahirapang ating nararanasan, napapanatili natin ang abilidad na maging masaya. Ang global recession na kasalukuyang nagaganap ay isa sa maaring sumubok sa ating abilidad na ito.
Sa isang pananaliksik na ginawa ng National Statistical Coordination Board (NSCB) tungkol sa “Philippine Happiness Index” noong 2007, lumabas na ang Top 5 na pinagmumulan ng happiness ng mga Pilipino ay ang pamilya, kalusugan, relihiyon at/o spiritwal na gawain, kaibigan, at ang financial stability.
Ang kakayahan lang ba natin na manatiling masaya ang maaring makatulong sa atin sa panahon ng krisis? Sa sikolohiya, may isang konsepto na tinatawag na resilience. Ayon sa American Psychological Association, ang resilience ay ang abilidad na maka-adapt ng maayos sa pagsubok, trauma, tragedy, threats, at sa mga pinagmumulan ng stress tulad ng trabaho, kalusugan, o problema sa mga relasyon. Samakatuwid, hindi lamang ang abilidad na manatiling masaya kundi pati ang resilience ang ilang mga katangiang makakatulong sa mga tao sa pagharap at pag-ahon sa krisis.
Bilang asawa at magulang, hindi lamang sarili mong kapakanan ang iyong kailangang intindihin kundi ang kalagayan din ng iyong asawa at mga anak. Marahil ay napapaisip ka ngayon kung anu-ano ang maari mong gawin upang matulungan ang iyong pamilya na harapin ang mga kaakibat na problema na dulot ng recession. Sumusunod ang ilang mga rekomendasyon ukol dito.
1. ALAGAAN ANG SARILI
Sinasabing hindi mo maaaring ibigay ang isang bagay na mismong ikaw ay nagkukulang. Upang maimpluwensiyahan at matulungan ang iyong pamilya, kailangan ikaw mismo ay malusog at matatag. Ibig sabihin, kailangan mong alagaan ang iyong sarili, hindi lamang sa pisikal na aspeto kundi ang kabuuan ng iyong pagkatao. Sumusunod ang ilang halimbawa kung paano maalagaan ang sarili:
- Pisikal: Kumain ng tama, matulog ng sapat, mag-ehersisyo at umiwas sa bisyo tulad ng sobrang pag-inom at paninigarilyo. Magpatingin kung sakaling may karamdaman. Huwag ipagpaliban ang pagpapatingin lalo na’t kapag tumagal o lumala ang karamdaman.
- Sikolohikal:
o Kung maaari, maglaan ng isang araw isang buwan kung saan kayo ay may “day off” bilang isang asawa at magulang upang tutukan ang ibang aspeto ng iyong pagkatao. Ang araw na ito ay pwedeng ilaan sa mga gawaing hindi mo nagagawa kapag kasama mo ang iyong pamilya. Para sa mga kababaihan, pwedeng ilaan ang araw na ito upang makipagkita sa mga kaibigan, o i-pamper ang sarili sa parlor o spa. Para sa mga kalalakihan, maaaring maglaro ng sports kasama ang mga kabarkada, o magpunta sa bookstore.
o Kasama na rin sa pag-alaga ng kalagayang sikolohikal ang paglaan ng oras sa mga gawaing nakakapag-relax o nakaka-stimulate ng pag-iisip. Ilang halimbawa ay ang paglaan ng oras sa mga hobby tulad ng gardening, pananahi o pagkukumpuni, pag-exercise, pagbabasa ng libro, o pag-aaral ng isang bagong skill.
o Ang tamang pag-handle sa mga damdamin o emosyon ay makakatulong din sa sikolohikal na pangkalusugan. Ayon kay Prof. Michael Tan, isang anthropologist, ang mga Pilipina ay mas malamang na magtiis o magkimkim ng kanilang mga damdamin laban sa iniisip ng nakararami na mas expressive ang mga babae ng kanilang feelings. Kailangang alalahanin ng mga babae na ang sobrang pagkimkim o pag-aalala ay maaaring magdulot ng mga sakit. Siguraduhing lumapit sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan o kamag-anak, pari, o propesyonal kapag ikaw ay nakaramdam ng sobrang pagkabahala ukol sa mga pangyayari sa iyong buhay. Ang pag-maintain ng isang journal o diary ay isa pang paraan kung saan mailalabas ang mga iniisip at nararamdaman.
o Ayon din kay Prof. Tan, karaniwan namang inilalabas ng mga lalaking Pilipino ang kanilang stress sa pamamagitan ng paglibang sa pag-inom at iba pang pang-aliw. Para sa maraming lalaking Pilipino, hindi rin nila nakaugaliang ipakita at pag-usapan ang kanilang damdamin dahil sa expectation na dapat malakas at di nagpapakita ng emosyon ang isang tunay na lalaki. Para maiwasan ang pisikal na sakit na maidudulot ng pagkalulong sa bisyo at di pagpapakita ng damdamin, maaaring maghanap ang mga lalaki ng ibang outlet para mailabas ang stress. Ang pag-engage sa sports tulad ng basketball o jogging ay ilang halimbawa ng mas mabuting paraan sa pag-release ng stress. Maaari ring lumapit sa mga propesyonal tulad ng mga psychologist, lalo na kung gustong pag-usapan ang mga problema sa isang confidential na paraan.
o Kaakibat ng sikolohikal na pangkalusugan ay ang pag-alaga sa inyong self-esteem. Kung ang pinansyal na krisis ay nakakapagdulot ng matinding pagkabahala sa inyo, magandang pag-isipan kung saan ito nanggagaling. Para sa ilan, maaaring natatakot sila na bumaba ang tingin ng kanilang mga kamag-anak, kaibigan o kapitbahay kung hindi na sila nakakabili ng mga magagarang gamit. Magandang tandaan na ang dapat na pag-basehan ng self-esteem ninyo ay ang inyong pagkatao at hindi sa kung ano ang pagtingin ng ibang tao sa inyo.
- Spiritwal: Gaya ng nasabi sa pananaliksik tungkol sa Philippine Happiness Index, para sa mga Pilipino, ang relihiyon at/o mga gawaing spiritwal ang isang pinagmumulan ng happiness.
o Bukod sa regular na pagdadasal at pagsisimba, maaari ring mag-attend ng mga recollection o retreat, katulad ng ino-offer ng simbahan sa panahon ng Kuwaresma. Maaari ring sumali sa mga religious na samahan tulad ng sa parish o mga charismatic group na may mga regular na activity kung saan mapapangalagaan ang iyong spiritual growth.
o Ang pagtulong sa ibang tao ay isang bagay na maaari ring makapag-uplift ng inyong spiritwal na kalagayan. Maraming mga samahan ang iyong pwedeng salihan, depende na rin sa iyong interes. Ang ilang halimbawa ay ang Gawad Kalinga, Philippine Red Cross, Missionaries of Charity, at iba pa. Kadalasan, hindi lamang pinansyal na tulong ang kailangan ng mga samahan na ito kundi tulong mismo sa paggawa ng kanilang trabaho para sa mga nangangailangan.
2. ALAGAAN ANG RELASYON SA ASAWA
Bilang isang asawa, kayo ng iyong mister o misis ay pinagbuklod – ang dating dalawa ay ngayon ay iisa na. Ibig sabihin ay kaakibat ka ng iyong kabiyak sa anumang problema o pagsubok na kanyang hinaharap. Paano niyo matutulungan ang iyong kabiyak na OFW sa panahon ng krisis?
- Magkaroon ng open communication sa asawa: Makakatulong sa inyong mag-asawa na maglaan ng regular na oras ng komunikasyon, halimbawa, tuwing Sunday ng 10 am. Ang pag-protekta sa oras na ito ay makakatulong sa pagkakaroon ng predictable na panahon ng pag-uusap. Ang ganitong klaseng predictability ay isang bagay na makakatulong sa emotional well-being ninyong dalawa dahil makakatulong na mayroon kayong panahon na inaasahan kung saan makakausap ninyo ang isa’t isa kahit na ano pa man ang mangyari sa buong linggo.
- Bigyan ang asawa ng support at encouragement: Mahalaga na maramdaman ng iyong asawa ang iyong tiwala at suporta sa kanya sa panahon ng krisis. Pigilan ang pag-nag o ang pangungulit habang kausap ang asawa. Kundi, gamitin ang oras ng komunikasyon upang bigyan ng encouragement ang asawa lalo na kapag siya ay nagpahiwatig ng pagkahirap, pagkabahala, o pagkalungkot sa kanyang kalagayan sa ibang bansa. Gawing light ang mood ng pag-uusap sa pamamagitan ng kwentuhan di lamang tungkol sa mga problemang hinaharap kundi pati na mga maliliit na source ng pagkatuwa.
- Tulungan ang asawa sa pag-manage ng pera:
o I-budget ng maayos ang perang ipinapadala ng iyong asawa. Sa panahon ng recession, ugaliin pa ring mag-impok para may gamitin sa oras ng emergency. Isipin mo rin kung saang bagay kayo maaaring magtipid, tulad ng pagpunta sa mga mall, pagkain sa labas, at pagbili ng mga luho.
o Kung kinakailangang tulungan ang iyong asawa upang kumita ng pera, pag-isipan ang iyong mga skill at talent dahil maaaring ito na din ang maging additional source of income. Ilang halimbawa ay ang pagbenta ng ulam, pananahi, pagkakarpentero, pag-repair ng mga sirang gamit sa loob ng bahay, at iba pa. Hangga’t maaari, siguraduhing may sapat na kaalaman at pagkahilig sa iyong papasukang trabaho o business. Makakatulong ito hindi lamang sa pag-enjoy ng trabaho kundi rin sa paglaban sa mga pagsubok na maaring idulot nito.
o Maaari ring mag-isip ng mga proyekto kung saan maaaring pagkakitaan ang mga luma o di nagamit na bagay na nakatambak sa iyong bahay. Halimbawa, mag-organize ng isang “rummage sale” para maibenta ang mga bagay na hindi niyo na kailangan tulad ng mga lumang damit, bag, sapatos, laruan, libro, appliances, at iba pa. Isa pang alternatibo ay ang pagbenta ng mga ito sa mga recycling market, tulad ng ginagawa sa mga ibang mall.
Tulungan ang asawang nawalan ng trabaho dahil sa recession:
Hindi maipagkakaila na ang pag-lay off sa mga empleyado ay isang realidad sa panahon ng recession. Bukod sa mga nasabi na sa itaas, kung sakaling ang asawa ninyo ay isa sa mga natanggal sa trabaho, maaaring tulungan sya sa pamamagitan ng sumusunod:
o Tulungan ang asawa na mag-plano para sa hinaharap. Bagamat mahalagang balikan ang nakaraan upang makita kung may mga pagkakamaling dapat baguhin, mahalaga na hindi rin mag-dwell ng sobra-sobra dito. Sa halip, pag-aralan kung ano ang mga maaaring gawin mula sa punto na ito.
o I-boost ang self-esteem ng asawa. Ipakita sa kanya na bagamat nawalan sya ng trabaho, madami pa din syang magagandang katangian at kakayahan. Isa na dito ang pagiging isang mabuting asawa at magulang.
o Ihanda ang mga anak sa pag-uwi ng asawa. Magbigay ng tapat na paliwanag ukol sa nangyari at hikayatin ang kooperasyon ng bawat isa sa pag-suporta sa kanilang ina/ama pagbalik nito.
3. ALAGAAN ANG RELASYON SA MGA ANAK
Para sa mga asawa ng OFW, halos “solo parenting” na ang nangyayari habang ang iyong asawa ay nasa ibang bansa. Maaaring lalong masubukan ang inyong parenting skills sa panahon ng krisis. Ano ang mga pwedeng gawin upang mapangalagaan ang relasyon sa inyong mga anak?
- Magkaroon ng open communication sa mga anak: Kausapin nang tapat at maayos ang iyong mga anak, lalo na kung kinakailangan ninyong magtipid o magbago ng lifestyle dahil sa pinansyal na krisis. Halimbawa, kailangang ipaliwanag sa anak kung bakit hindi muna siya pwedeng bilhan ng bagong cell phone, bag, o sapatos. Maging klaro sa mga bagong limits na kailangang ipataw dala ng pagtitipid. Hayaan magpahiwatig ang mga anak ng kanilang mga damdamin ukol dito. Magbigay ng reassurance na naiintindihan niyo sila ngunit huwag magbigay ng pangakong hindi niyo naman kayang tuparin.
- Magtulong-tulong: Kahit na anong problema ay gagaan kung ito ay pagtutulung-tulungan. Kahit na bata pa ang inyong mga anak, hindi ibig sabihin na wala silang maitutulong sa inyo. Halimbawa, pagdating na lang sa gawaing bahay, ang pag-assign ng chores sa inyong mga anak ay makakatulong na maibsan ang inyong pagod bukod sa pag-train sa kanila sa pagiging independent. Bukod dito, ang oras na natipid ninyo sa paggawa ng household chores ay maaaring ilaan sa mga iba pang importanteng bagay tulad ng pagkakaroon ng “family time” matapos gawin ng bawat miyembro ang kanyang tungkulin.
- Gumawa ng mga ritwal o tradisyon: Maging creative sa pag-nurture ng relasyon sa mga anak sa mga paraang hindi kinakailangang pagkagastusan. Kung hindi ma-afford ng budget ang pagpunta sa mall tuwing weekend, mag-isip ng ibang bagay na pwedeng gawin ng buong pamilya. Ang paglaro ng boardgames o sports, pagluluto ng sama-sama, o paggawa ng proyekto (halimbawa, ang pag-organize ng rummage sale) ay ilang klase ng mga activities na pwedeng paglibangan o pagtulungan ng iba’t ibang miyembro ng pamilya.
- Maging isang role model: Bilang magulang, mataas ang tingin sa iyo ng iyong mga anak. Ibig sabihin, kung may gusto kang ituro na value o ugali sa iyong anak, mas matututunan nila ito kung makikita nila mismo sa iyo itong value o ugali na ito. Halimbawa, kung tinuturuan mo silang magtipid, kailangan nilang makita na ikaw rin ay nagtitipid. Kung tinuturuan mo silang maging mapagmalasakit sa kapwa, maari mo silang isama sa iyong mga volunteer o charity work.
Ang pagkakaroon ng mga pinansyal na problema dulot ng recession ay maaaring pagmulan ng mga iba pang problema, tulad ng pagkakaroon ng strain sa relasyon ng mga miyembro ng pamilya. Pero kung inaalagaan ang sarili at ang relasyon sa asawa at anak, ang syang makakatulong sa pagiging matatag ng pamilya at makakatulong dito sa pagharap sa kung ano mang problema ang dumating.
---------------
What do you think? How can Filipino expat families cope with this global financial crisis? Click on the word "comments" just below. Ask questions. Click on Magtanong sa Doktor or Magtanong sa Psychologist. Share your thoughts, feelings and experiences. Stay in touch!
Click here to set an appointment with the psychologists and doctors on our website.
Click to return to website: www.ofwparasapamilya.com
---------------
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Kahanga hanga ang mga OFW.
Post a Comment