-----------------------------------------------------------------------------------------------
(The Meaning and Value of Christmas Traditions)
By Ma. Araceli Balajadia-Alcala, M.A.
PsychConsult, Inc.
Naikwento ng isang kaibigan kamakailan, ang makapigil-hininga niyang karanasan sa pag-bili ng espesyal na hamong (Ham) hinahain ng pamilya nila tuwing Noche Buena. Pagkatapos ng kilo-kilometrong biyahe paroo’t parito sa ma-traffic na kalsada, gastos ng libo at ilang daang piso, at hitik sa dramang mga tawag at text sa telepono, nakamtan rin ang pinakamimithing hamon na hinihiling ng ama niya. Naitanong ko, ano ba naman ang pagkakaiba ng hamon na ito sa iba pang klase upang paggugulan ng ganitong panahon, pawis, at pagod? Iyon pala’y ito ang nakagawiang tatak/brand ng hamon na pinagsasaluhan ng pamilya, nung silang mga anak ay maliliit pa, at ang pamilya nila ay kumpleto pa. Kaya naman ang aking kaibigan, sa kabila ng hirap, ay buong pusong lumahok sa gawain ng pagbili nito, mapanatili lamang ang tradisyon.
Lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan, sigurado akong lahat tayo ay may kaniya kaniyang kwento na katulad nito – hahamakin ang lahat ng bagay, maipagpagtuloy lamang ang mga nakagawian, nakasanayan, o naka-ugalian na sa ating mga sariling tahanan. Bakit nga ba napakahalaga para sa atin na mapanatili ang mga tradisyon, maliit man o malaki lalo na ngayong kapaskuhan?
Una, sa panahon ng mabilis na pagbabago, sa pamamagitan ng tradisyon, panatag pa rin ang loob natin na may mga bagay na nananatiling pareho at predictable. Maaaring para sa tatay ng kaibigan ko, lalo na ngayong espesyal na okasyon, ang paggigiit sa partikular na brand ay nagsisilbing isang constant. Sa kabila ng nakabubulabog na mga pagbabagong kasabay sa pag-agos ng buhay - maaaring tumanda at nagka-puting buhok na siya, at lumaki’t nagsipag-lipatan na ang mga anak sa iba’t ibang panig ng bansa o mundo--kahit papaano’y may mga bagay, gaano man kaliit, na hindi pa rin magbabago para sa kanya.
Pangalawa, ang mga tradisyon ang nagpapatibay ng relasyon at nagbubuklod sa bawat miyembro ng pamilya. Ang karaniwang tradisyon ng pagbisita sa mga kaanak o kaya’y pagsisimba ng sabay-sabay, simple man, ay nagbibigay ng pagkakataon sa bawa’t miyembro na magkasama-sama; mga ritwal na mahalagang pag-papaalala lalo na’t maaaring hindi ganoon kadalas nagagawa sa buong taon, dahil busy ang mga miyembro sa kani-kaniyang buhay.
Kadalasan pa nga’y ang mga tradisyon na ito ay nagpasalin-salin mula sa isang henerasyon pababa sa susunod na henerasyon, at nagpapalawig ng mga values na mahalaga sa pamilya.
Pangatlo, at kaugnay ng huli, ang mga tradisyon rin ang nagpapatibay ng pagkakakilanlan (identity) ng bawat pamilya at nagpapakita ng pagkakaiba nila sa ibang pamilya. Maaaring sa Pamilya “X”, ang pagkakaroon ng Christmas show na pinagbibidahan ng mga bibong apo at pamangkin ay nagpapakita ng kayamanan ng talento sa pamilyang ito. O dila kaya’y sa Pamilya “Y”, ang pagbisita sa mga bahay ampunan or home for the aged ang tatak ng pagka-mapagkawanggawa ng pamilyang ito.
Pang-apat, tuwing naisasakatuparan natin ang mga nakagawiang tradisyon, maraming mga alaala at damdaming sumasagi, na nagpapa-alala sa atin kung sino tayo. Kapag nakakalanghap ako ng bango ng incenso tuwing simbang gabi naaalala ko ang mga nakalipas na simbang gabing dinadaluhan ng pamilya namin, at pumapanatag ang kalooban ko.
Sa mga pamilyang nagkaka-hiwahiwalay bunga ng pagtatrabaho o paglipat sa ibang bansa, mas umiigting ang pagnanasang panatilihin ang mga tradisyon, lalo na dahil sa mga nabanggit. May mga maaaring gawin upang mangyari pa rin ito:
1) Siguraduhing ang lahat ay maaari pa ring makilahok sa mga nakasanayang nang tradisyon. Sa mga nasa malayong lugar, napakahalaga talaga ng pag-uugnayan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya (at madalas na itong nababanggit sa mga nahuling artikulo). Kung sa pamilya, nakasanayan nang nagkukuwento si lolo o lola tuwing pasko, kahit na nasa kabilang panig pa sila ng mundo maaari pa ring gumamit ng webcam upang ipagpatuloy ang tradisyon na ito.
2) Hanapin pa rin ang mga elemento ng mga nakagawiang tradisyon na masaya at nakakapag-papagaan ng damdamin ng mga miyembro ng pamilya. Minsan ay nagiging stressful ang pagpapatupad sa tradisyon dahil sa kagustuhang panatiliin ang nakaraan o kaya’s magbigay ng perfect na selebrasyon para sa mga naiwang miyembro. Kailangang tandaan natin ang mga layunin kung bakit ba natin ipinagpapatuloy ang mga napiling tradisyon, at huwag kalimutang pairalin ang sense of humor sa mga ganitong panahon.
3) Sa inyong lugar ngayon, mag-network sa mga ibang Pilipino na maaaring may katulad na tradisyong isinasakatuparan sa nakagawian na. Sa maraming bahagi ng mundo, basta may Pilipino, mataas ang posibilidad na ang tradisyon ng Simbang Gabi at puto bumbong ay patuloy na inoobserbahan. Makipag-ugnayan sa mga pamilyang sumasalamin ng inyong mga nakagawiang tradisyon.
Paminsa’y matindi ang hamong kinakaharap ng pamilya sa pagpapatuloy ng mga tradisyon. Sa kabila nito, marami pa rin tayong maaaring gawin upang ang mga matatayog na layuning bumabalot sa pagkakaroon ng tradisyon ay maipagpatuloy:
1) Gumawa ng bagong tradisyon. Maaaring minsan, kahit gusto man natin ipilit ang pagpapanatili ng ilang mga nakagawian, at despite our best efforts, hindi na talaga ito mangyayari. Huwag mabahala. Isiping, bagama’t pini-preserve ng tradisyon ang nakaraan, maaari pa ring bumuo ng mga bagong ala-ala na magiging makahulugan pa rin sa pamilya. Ang mga bagong tradisyon ay maaari pa ring mag-buklod sa pamilya, maglarawan ng pagkakakilanlan nito, at magpalawig ng mga bagong damdaming makapagpapasaya sa lahat. Nang mawalan ng Christmas tree ang isang pamilyang Pilipinong kilala ko, nagdesisyon sila bilang isang grupo, isang pasko na magtayo ng ibang uri ng Christmas tree; isang bagay na mas sumasalamin sa kung sino sila. Gumamit sila ng puno ng saging! Sa gitna ng kanilang sala! Sinabitan ng maliliit na parol at kumukutitap na mga ilaw. Ngayo’y usap-usapan ito, at mukhang magsisimula ng bagong tradisyon para sa kanila.
2) Maging bukas sa mga pagkakataong bumuo ng bagong tradisyon. Kaugnay ng huli, kilalaning may mga tradisyon na nabubuo lamang, habang tayo’y sumasabay sa agos ng panahon. Sa aming pamilya, nagkaroon na lang kami ng bagong tradisyon ng pamimigay sa mga kaibigan ng mga regalong gawa ng aming mga kamay – hindi naman ito sinasadya, ngunit isang pasko, bunsod ng kagustuhang makatipid, ganito ang naging solusyon. Ngayo’y halos inaasahan na ito ng mga malalapit na kaibigan.
3) Magpalawig ng mga tradisyong may layuning tumulong sa kapwa. Magandang pangontra sa kalungkutan at paminsang masyadong focus sa material na bagay, ang pag-bahagi ng mga biyaya sa ibang kapwa. Halimbawa, maaaring mag-contribute ang mga miyembrong nasa malayong lugar at magbuklod ang mga naiwang pamilya sa pag-luto ng isang meal para sa mga bata sa isang institution o kaya’y pag-ipon ng mga gamit na handang ipamigay na.
Ngayong kapaskuhan, nasaang panig man kayo ng mundo, tandaang ang pagkakalayu-layo, pag-iisa, at pagbabago ng panahon ay hindi balakid sa pagpapatuloy ng mga nakagawiang tradisyon o pagbuo ng mga bago nito. Hindi mababakli o maiwawaksi kailanman ang mga layuning bumabalot sa pagkakaroon ng tradisyon. Hayaang patabain nito ang mga puso natin ng mga masasayang alaala, at panatiliin nito ang ating koneksyon sa mga mahal natin sa buhay sa kasalukuyan.
-----------------
Submit your thoughts and questions on Christmas traditions by simply clicking on the word "comments" just below. Ask questions. Click on Magtanong sa Doktor or Magtanong sa Psychologist. Share your own Christmas traditions, thoughts, feelings and experiences. Stay in touch!
Click to return to website: www.ofwparasapamilya.com
------------------
Friday, December 11, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)